194 total views
Ipinagpasalamat ng Diocese of Laoag na hindi nagdulot ng labis na pinsala at pagbuwis ng buhay sa kanilang lalawigan ang super typhoon Lawin.
Gayunman aminado si Diocese of Laoag Social action director Msgr. Noel Ian Rabago na maraming mga pananim at ari-arian ang nasira ng bagyo.
Sa mensahe na ipinadala ni Msgr.Rabago na nakatulong ang maagap na pagtugon ng mga otoridad at pagsunod ng mga residente sa mga babala upang makaiwas sa pagkasawi at malawak na pinsala sa buhay ang nasabing bagyo.
Sa kasalukuyan aniya ay wala pa rin supply ng kuryente sa kabuuan ng probinsya at inaalam pa ang halaga ng pinsala na idinulot ng Bagyong Lawin sa sektor ng agrikultura.
“Thanks God no casualties reported. People from coastal barangays from Pagudpud to Badoc were willing to be evacuated in more safe areas. The greatest destruction left by the Typhoon [Lawin] in the diocese of Laoag is on the Agriculture [Sector],” mensahe ni Msgr. Rabago.
Samantala, kumikilos na ang Diocese of Ilagan sa lalawigan ng Isabela upang magsagawa ng rapid assessment sa pinsala ng bagyong Lawin.
Ayon kay Ilagan Social Action Director Fr. Carlito Sarte, hirap sila na magsagawa ng pagsusuri sapagkat naapektuhan din maging ang mga bahay ng mga mismong volunteers ng Simbahan.
Gayunpaman, tiniyak ni Fr. Sarte na magsasagawa ng pagtugon ang Diocese sa pangangailangan ng mga naapektuhan pamilya.
“Humupa na ang ulan at maliwanag na ang kalangitan. As of now we cannot determine what particular help to be given as our volunteers were also affected. Hopefully within two days we can perhaps determine immediate and long term needs of affected families.”
kasalukuyan naman nagsasagawa na ng relief operation ang Archdiocese of Lingayen-Dagupan sa mga binahang pamilya sa bayan ng Calasiao.
Magugunitang umabot sa 225 kph ang lakas ng hangin na dala ng bagyong Lawin bago ito tumama sa kalupaan at nagdulot ng malawak na pinsala sa Cagayan at iba pang mga karatig lalawigan.
Ang Bagyong Lawin ang ika-12 at pinakamalakas na bagyo na pumasok sa Philippine area of Responsibility at tumama sa kalupaan ngayong taong 2016.