104,138 total views
Mga Kapanalig, ipinagdiriwang natin tuwing Enero ang National Zero Waste Month. Layon ng kampanyang ito na isulong ang sustenableng paraan ng pamumuhay at sistema ng produksyon at pagkonsumo ng mga produkto upang higit na mabawasan ang basurang nililikha natin. Tunay ngang napapanahon ang kampanyang ito lalo na’t kasunod ito ng holiday season kung kailan sandamakmak na basura ang naiiwan matapos ang mga pagdiriwang.
Bilang mga Pilipino, mahalaga sa atin ang tradisyon ng pagbibigay ng regalo, pagsasalu-salo kasama ang pamilya’t mga kaibigan, at iba pang mga aktibidad upang ipagdiwang ang Pasko at Bagong Taon. Ngunit tila naging parte na rin ng tradisyon natin ang pagkakaroon ng napakaraming basura sa panahong ito. Ayon sa LGU ng Maynila, 41 toneladang basura ang nakolekta sa Luneta Park noong Pasko lamang. Sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR), ang bansa ay lumilikha ng 61,000 na tonelada ng basura araw-araw. Kasama rito ang 163 milyon na plastic sachets, 48 milyon na shopping bags, at 45 milyon na thin-film bags. Ayon pa sa kagawaran, 33% lamang nito ang naitatapon sa mga landfills at dumpsites. Hindi bababa sa 35% napupunta sa iba’t ibang lugar kung saan nagdudulot ang mga ito ng panganib sa kalusugan ng tao at sa mga dagat kung saan napipinsala naman ang marine life.
Sa Catholic social teaching na Laudato Si’, sinabi ni Pope Francis na ang malalim na problema sa basura ay konektado sa tinatawag na “throwaway culture.” Ito ay ang pamumuhay kung saan madalas nating itinatapon kaagad ang mga bagay bilang basura matapos gamitin ang mga ito kahit maaari pa silang pakinabangan. Pinalalalâ naman ito ng sobra-sobrang pagkonsumo ng mga likas na yaman at ng mga produkto na higit pa sa pangangailangan natin. Paalala pa ng Santo Papa, lahat ng ito ay nakaugat sa kasalukuyang sistema ng ekonomiya at modelo ng pag-unlad na nakasentro sa kita o profit.
Sa pagpapalago ng kita ng mga korporasyon, tila sina-subsidize pa ng taumbayan ang produksyon nila ng mga bagay na nagiging basura. Tinatawag na negative externalities ang mga gastos na pinapasan ng pamahalaan at mga indibidwal para tugunan ang masasamang epekto sa kalikasan at lipunan ng mga basurang mga pribadong kumpanya ang sanhi. Halimbawa nito ang mga externalities ng single-use plastic packaging. Gumagastos ang gobyerno sa waste management. Gumagastos tayo para sa kalusugan at kabuhayang naapektuhan ng plastic pollution. Kaya naman, napakahalagang maipatupad ang Extended Producer Responsibility (EPR) law upang mapanagot ang mga kumpanyang malaki ang kontribusyon sa krisis sa basura. Noong 2023, nasa 20% o halos 800 pa lang sa 4,000 na kumpanya ang sumusunod sa requirements ng EPR law.
Maliban sa pagpapatupad ng mga patakarang naglalayong tugunan ang problema sa basura, marami rin tayong pwedeng gawin bilang mga miyembro ng ating komunidad. Sa pagdiriwang ng Zero Waste Month, hikayatin natin ang isa’t isang bawasan ang itinatapon nating basura sa loob at labas ng ating mga tahanan. Isama natin sa mga New Year’s resolution ang pag-refuse, reduce, reuse, repurpose, and recycle ng mga produkto upang mabawasan ang mga basurang napupunta sa mga landfills, sa kapaligiran, o sa mga ilog at dagat. Lahat tayo ay may papel sa pagbabago ng ating kultura—ng ating paraan ng pamumuhay—tungo sa mas sustenableng lipunan para sa kabutihang panlahat. Gusto ba nating iwan sa ating mga anak ang isang planetang mistulang tambakan ng basura?
Mga Kapanalig, katulad ng pagmamahal at pagkabukas-palad na ipinaabot natin sa ating kapwa noong “season of giving,” kasama rin sana sa binibigyan natin ng atensyon at pangangalaga ang ating common home, ang nag-iisa nating tahanan, gaya ng wika sa Genesis 2:15.
Sumainyo ang katotohanan.