187 total views
Hindi na dapat magtaka ang mamamayan sa pagkakaroon ng Zika virus na sa Pilipinas.
Ayon kay Health assistant secretary at spokesman Dr. Enrique Tayag, ito’y dahil ang nagdadala ng virus na ito ay ang lamok din na may dengue.
Dahil dito, mas pinaigting ng DOH ang kampanya laban sa mosquito borne-diseases na ito sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga impormasyon ng epekto ng virus sa tao, paglilinis sa kapaligiran at ang pamamahagi ng kulambo.
Hinimok rin ng DOH ang publiko na maglinis ng kapaligiran, magpahid ng insect repellant at magsuot ng mga mahahabang damit upang hindi makagat ng lamok.
“Hindi tayo dapat magtaka dahil ang lamok na nagdalala ng virus na yan merun na sa ating bansa na nagdadala rin ng dengue kayat gumawa ng mga gawain na mababawasan ang pagdami ng ganitong lamok, At mabuti may kampanya tayo sa dengue, hahanapin natin yang mga lamok na yan, mag-ingat, mag screen, magsuot ng mahahabang damit at mamimigay kami ng mga kulambo,kailangan din ng insect repellant importante yan, sa buntis pwede isalin ng buntis sa sanggol sa kanyang sinapupunan na ang epekto ay microcephaly o maliit na ulo at may depekto sa pag-isip ang sanggol.” Pahayag ni Dr. Tayag sa panayam ng Radyo Veritas.
Kabilang sa mga sintoma ng Zika virus ang pamamantal mula sa mukha pababa sa buong katawan, pamumula ng mga mata, pabalik-balik na lagnat at masakit na kasu-kasuan.
Sinabi pa ni Dr. Tayag, na sa mga lalaki, tumatagal ang Zika virus sa semilay ng hanggang 6 na buwan kayat pinapayuhan ang mga ito na mula sa mga bansang may Zika na huwag munang makipagtalik sa kanilang mga kabiyak pagbalik sa kanilang mga bansa sa loob ng 6 na buwan dahil posible itong maisalin.
Sinabi naman ni Dr. Tayag na ang maayos na ang kalagayan ng pinaka-huling naitalang kaso ng Zika mula sa Iloilo na isang 45 anyos na babae na ikaanim na kaso sa bansa mula noong 2012.
Nagmula ang Zika virus sa Uganda noong 1947 at malaki ang naging epekto naman nito sa Brazil matapos maitala ang halos 5,000 kaso nito sa mga sanggol na ipinanganak na may depekto sa utak o microcephaly.
Una ng naging kontrobersyal ang pahayag ni Pope Francis hinggil sa Zika virus na “lesser evil” ang pag-control ng pagbubuntis sa mga bansang maraming kaso ng nasabing mosquito borne disease gamit ang contraceptives matapos ipanukala ng gobyerno na ipalaglag ang mga sanggol na apektado ng virus.